Kahit gaano kasama ng imahe ng Pilipinas sa ibang bansa, kahit saan man ako mapunta, Pilipino pa rin ako, magkapamilya at magkadugo kami ni Juan. Kasi walang Filipino channel rito sa bahay, nakikibalita ako sa internet, nakikibasa sa mga balita kung ano na ang nangyayari sa Pilipinas. Medyo matagal tagal rin na nawala ako sa Pinas. Malapit na rin akong mag-iisang taon dito sa Belgium. Napakatulin ng panahon. Wala pa ring pagbabago ang Pinas. Siguro edad lang ng mga tao ang nagbabago, pero ang gobyerno at ang ugali nating mga Pinoy, ganun pa rin. Araw-araw na binabasa ko ang balita sa internet, nakakasawa, nilalangaw at parang basura na nakalimutang itapon sa matagal na panahon, inuood na, pagbukas mo grabe at nakakasukang baho ang sasalubong sa’yo. Siguro sa ibang bansa, may kurakot din, pero di masyadong halata tulad ng sa atin. Garapalan na talaga. Para tayong ninanakawan sa harapan. At kahit kitang-kita mo na, di pa rin aamin. Ano kaya ang kahihinatnan ng Pilipinas sa hinaharap? Makaka-recover pa kaya tayo? Uunlad pa kaya ang Pilipinas? Iilan sa mga tanong na kahit kailan walang kasagutan. Minsan di maiwasang maihambing ko ang Pinas sa ibang bansa. Hanggang ngayon di ko maintindihan kung bakit tinatawag na “trapo” ang ating mga pulitiko. Kasi sa Bisaya, ang trapo, ibig sabihin panlinis, kahit marumi dahil ginamit na, nakakalinis pa rin. Pero mula noon hanggang ngayon, di ko maintindihan bakit sila tinatawag na trapo. Baka ‘kako nagkamali ng salita na ginamit, baka “dumi” at di “trapo”. Karamihan sa ating mga pulitiko at mga taong nagtatrabaho sa gobyerno ay mga dumi sa ating lipunan, pero may iba na malala na talaga, di lang dumi, kundi malalaking mantsa na sa lipunan, na kahit anong pangtanggal ng mantsa ang gagamitin mo, di pa rin mawawala. Andiyan pa rin, nakadikit. Wala naman silang nagawa sa lipunan kundi nakawan si Juan at kung meron man silang naitulong, siguro kaunti lang. Wala rin silang naitulong lalong lalo na sa mga mahihirap na tulad ni Juan. Ngayon, tumaas na ang presyo ng lahat ng ating mga pangangailangan, lalong-lalo na ang bigas at ibang pang-araw-araw nating kinakain. Pero wala naman silang ginagawa, puro tapunan lang ng baho sa isa’t-isa. Akala mo kung sinong malilinis. Ang daming eskandalo sa lipunan at karamihan na nasasangkot ay mga pulitiko o mga matataas na taong nagtatrabaho sa gobyerno, may mga pagdinig na ginagawa pero wala namang nangyayari. Di mo maintindihan kung ano na ang nangyayari ng mga nagdaan na eskandalo. Kasi bawat eskandalo ay tinatakpan ng bagong eskandalo. Nakakahiya na. Sa Pinas ang mahihirap ay lalong naghihirap at ang mga mayayaman ay lalong yumaman. Ang mga pulitiko at mga matataas na taong nagsiserbisyo sa gobyerno lang ang yumaman at kumakain ng 3 beses sa isang araw at naka cheding pa, kawawang Juan, lalo na ngayong isang kilo ng bigas ay singkwenta pesos na. Baka sa darating din na araw ay maglakad na lang si Juan kasi mataas na rin ang pamasahe. Di na kasya ang sahod ni Juan, kahit pansariling pangangailangan di mabili. Paano pa kaya ang pamilya ni Juan? Paano pa kaya ang edukasyon at pangangailangan ng limang anak ni Juan? Kawawa naman si Juan, paunti-unting pinapatay. Magtaasan man lahat ng bilihin sa ‘Pinas, ang mga pulitiko at mga matataas na tao na nasa gobyerno ay makakabili pa rin sila ng pagkain sa pang araw-araw. Kahit na aabot sa 100 pesos ang isang kilo ng bigas. Napakasarap ng buhay ng mga taong ito. Siguro di naman kalakihan ang sahod nila, pero di mo maintindihan kung saan nila kinukuha ang pera nila at nakakabili sila ng malalaking lupain, mamahaling kotse, malalaking mga bahay at mansyon, nakakapagbakasyon sa ibang bansa. Si Juan ang kawawa, kasi ang sahod niya ay di sapat at ninanakawan pa. Parang binabartolina si Juan, napakaliit, nakakatakot, napakadilim at di mo alam kung kailan ka makakalabas. Kailan pa kaya makakatikim si Juan ng kaginhawaan? Parang wala ng pagasa.
(July 20, 2008)
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.